Home > Trauma Counseling > Ang Luha at Ngiti ni Elo

Ang Luha at Ngiti ni Elo

­Ang Luha at Ngiti ni Elo

Marisa V. Marin

Ang MLAC Psychosocial Services for Wellbeing team ay may mahabang proyekto kasama si Fr. Tito Caluag, head ng Public Service ng ABS-CBN. Ito ay ang Family Recovery Project. Ang proyektong ito ang siyang nagdala sa amin sa Barangay Andap, New Bataan, Compostela Valley. Ito ay 3 oras ang layo sa Davao City, walang matutuluyang hotel o bahay panuluyan doon. Pero mapalad kaming walo na pinatira ni Emma, isang butihing guro ng National Andap Elementary School na bukas loob na pinatulog kami ng isang gabi sa kanilang tirahan.

Image

Ang MLAC team kasama si Teacher Emma

Doon rin sa paaralan na iyon nag-aaral si Elo (hindi niya tunay na pangalan). Si Elo, isang siyam na taong bata, nakaligtas sa hagupit ng Bagyong Pablo pero ngayo’y nangungulila sa pamilya. Isa siya sa mga batang binigyan ng MLAC team ng trauma counseling.

Dalawa sila ng kanyang Ate noong nakilala namin siya. Pero pinaghiwalay namin sila ng grupo para mas ka-edad nila ang kanilang makakasama. Tinanong namin ang mga bata kung maari ba nilang ikuwento sa amin ang nangyari noong Bagyong Pablo. Sinabi namin na puede sila magkuwento sapamamagitan ng pagguhit o pagsulat. Pinili ni Elo na magsulat.

Matagal bago siya nagumpisang magsulat pero ng maumpisahan na niya, tuluy-tuloy na ito. Kung minsan may buburahing pangungusap, papalitan niya ito. Binasa ni Elo ng tahimik ang buong sinulat niya, siya ay nakontento tumingin sa aming mga therapist at napangiti. May mga sandaling nakatulala siya habang tahimik niyang hinintay na matapos ang dalawang kasama niya sa grupong gumuhit.

Heto ang isinulat ni Elo:

Image

Ang Sinulat ni Elo

NOng Panahong youn sa Bagyong Pablo

Nawala lahat ng pamilya ko dahil sa Bagyong Pablo

Don nag kakahiwalay kami sa mang pamilya ko nong Disember 4, 2012

don domating si Bagyong Pablo

Na rarandanako na wala na pala sila young manga magolang ko

Lola ko tapos kapatid ate kuya kong

Asan ma kayo andito lang kami sayo kahit…wala kayo

Andoto kami nagmahal sayo wag ninyonng kaklimotan

Mama Papa mahal nahal ko kayo.

* Hindi ko pinalitan ang pagkasulat niya nito.

Maiksi ngunit malaman ang kanyang isinulat. Namangha ako kung paano niya ito binasa. Malakas ang boses, malinaw at tiyak ang kanyang pagbigkas. Ang aking damdamin ay naantig, ang puso ko ay napukaw dahil sa husay ng kanyang pagbikas. Ilang saglit pagkatapos niyang magbasa, bigla siyang napaluha. Hindi rin namin napigilan na sabayan siya sa pag-iyak. (‘Yon ang isa sa mga paraan para maipadama naming mga therapist kay Elo na kadamay niya kami sa kanyang sinapit). Sandaling naging tahimik muna ang lahat. Kailangan ulit makabuelo bago makapagtanong. Nang inumpisahan namin na magtanong, siya naman ay maginhawang nagsalaysay ng kanyang kuwento. Ang sabi niya noong araw na iyon sama-sama sila sa bahay. Madami sila, mga 21 na magkakamag-anak. Pero sa sobrang lakas ng Bagyo natangay ang bahay nila, nagkahiwalay-hiwaly sila at lima lang sa kanila ang nakaligtas. Siya daw ay natagpuan sa sementeryo. May nagdala sa kanya sa ospital at doon rin siya natagpuan ng kanyang Ate. Ang kanilang Kuyang sundalo walang tigil rin sa paghahanap sa kanila. At doon rin sa ospital silang magkapatid natagpuan ng kanilang Kuya na nasa Cotabato noong nangyari ang trahedya sa Compostela Valley. Ngayon ang kasama niya ay tatlong mas nakakatandang kapatid na babae at ang kanyang Kuya na sundalo.

Ayon kay Elo ngayon lang siya nagkuwento tungkol sa nangyari noong Bagyong Pablo. Ayaw niyang magkuwento sa mga kapatid o sa mga guro. Tila ba ayaw pa nilang pag-usapan. Tumatango siya kapag sinasabi namin, “Mahirap ikuwento no?”

Kahit pagtanungin mo siya kung ano ang pakiramdam niya nang nagkita sila ng kuya at ate niya, sasagot lang siya na, “wala lang.” Pero mahilig siyang mag eye contact, at kapag ako ay tinitingnan niya para bang ang lalim ng iniisip niya o kaya’y nagtatanong rin ang kanyang mga mata kung talaga bang wala na ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang mga magulang. May panahong makikita mong nakatulala siya kapag ang ibang bata ang nagkukuwento. At ang sagot lang niya parati ay “wala lang” kapag binabalikan namin kung ano ang kanyang nararamdaman o ginagawa kapag naaalala niya ang Bagyong Pablo. Ramdam namin na hirap pa siyang pag-usapan ang kanyang damdamin kahit okay lang magsalaysay ng kanyang karanasan. Pero alam rin niya na babalik pa kami ulit sa ibang buwan para makasama siya ulit.

Pagkatapos nilang magkuwento, inilabas na namin ang mga laruan. Ang mga laruang iyon ang siya ring nagbigay buhay sa kanyang mga matang, biglang napangiti. At doon ko lang lalong napansin na mapungay pala ang kanyang mga mata. Sa buong oras namin silang binigyan ng panahon na makapaglaro ganun din katagal siyang nakangiti habang naglalaro ng mga laruang hayop, puno at mga sundalo. Sa isang bahagi ng kanyang paglalaro, makikita mo pa kung paano niya hiniwalay ang dalawang klaseng sundalo. Ang isang grupo ay tinawag niyang NPA at ang kabilang grupo naman ay ang mga sundalong militar. Mahahawa ka sa kanyang ngiti na marahil galing sa kasabikang makapaglaro. Simpleng laruan ngunit dulot nito ay purong kaligayahan. Nakakatuwang pagmasdan.

Image

Ang Laro ni Elo

Maaring simple ko lang naisalaysay ang kuwento ni Elo pero pagbinabalikan ko ang araw na iyon, simple lang kasi ang naging daloy ng aming sandaling pagsasama. Subalit tagos hanggang sa aking buto’t balat, puso at kaluluwa ang naidulot nito. Bakit kamo? Sa kanya ko kasi muling natutunan ang tungkol sa pag-ibig, pag-asa at payak na kaligayahan.

Umuwi si Elo may dalang tatlong laruang puno at dalawang laruang hayop -isang leon at isang tigre. Ako rin may baon pag-uwi ko ng Maynila, baon ko ang bakas ng kanyang pagluha (sa pangungulila) at kanyang pagngiti (sa paglalaro). Tanda ng hiwaga ng buhay.

Advertisements
  1. June 24, 2013 at 11:10 am

    Napakabuti ng inyong gawaing pagtulong. Maraming salamat sa napakalaki ninyong puso. Padayon! Amy Muga

    • January 15, 2014 at 7:34 pm

      Maraming salamat po Ms.Amy! 🙂 pasensya na sa sobrang late na reply..

  1. No trackbacks yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: