Home > Articles > Kakaibang Pasko

Kakaibang Pasko

KAKAIBANG PASKO
Marisa V. Marin

Sa pagunita ko sa mga araw na nagdaan, tila ang aking isipan ay wala sa Paskong kakatapos lang, kundi sa araw na mapalad akong napadala sa CDO.

Disyembere 23 ng kami ni Aileen Sison, kapwa ko psychologist sa MLAC Institute for Children and Families, ay pinadala ni Tita Honey Carandang.

Pagdating namin sa CDO sinalubong kami ng station manager ng Davao na si Trish, siya ang kasama naming nagpunta sa mga batang naghihintay sa amin ni Aileen para sa trauma counseling. Samantalang ang grupo ni Fr. Caluag at ng mga artista ay pumunta naman sa evacuation center kung saan sila nagbigay ng relief goods. Kaya’t habang kami ay nagbibigay ng trauma counseling sa mga bata ang grupo ng mga artista ay nagbibigay naman ng mga relief goods.

Hindi ko alam kung bakit kakaiba ang pakiramdam ko ngayon sa mga bata ng trahedyang Sendong eh nagawa ko na namang mag trauma counseling dati, sa General Nakar Quezon noong 2005, mga biktima ng Ondoy sa Metro Manila, at sa Peping sa Mt. Province, pero bakit ang loob ko ay higit pang nanabik na makatulong sa mga bata ng Hilagang Mindanao? Kaya’t sa aking pagsakay sa pick-up patungo sa station alam kong kakaiba rin ang aking magiging karanasan sa araw na iyon.

(Dahil sa kakulangan na ng mga driver na taga-CDO, taga-Butuan ang aming naging driver, naligaw-ligaw pa kami bago makarating sa station. Pero para sa akin ang pagkakataon iyon ay pang-buelo rin.)

Kami ay nagpakilala sa kanila bilang mga psychologist ng Maynila at nasabi namin sa kanila na silang mga bata ang sadya namin sa pagpunta sa CDO. Natanong namin sa mga bata kung nabalitaan nila yung Ondoy at ilan sa kanila ay nagtaas ng kamay. Doon naming ipinaliwanag na katulad ng ginawa namin sa mga bata sa Ondoy, nandito kami para makapagkuwentuhan sa kanila, kung ano ang nangyari noong Sendong.

Ang una naming pinagawa sa kanila ay magdrawing tungkol dito. At 3 sa kanila ang nagstand-out at mas napansin ko dahil sa tuloy-tuloy nilang pag eye contact sa akin habang nagdra-drawing. Sa kanilang pagtingin, sila ay aking nilapitan.

Isa dito ay si Rona, na hindi makapag-umpisang magdrawing kahit ang lahat ay abala na sa kanilang ginuguhit. Ang nasabi ko sa kanya ay “okay lang, kanina ko pa napapansin na parang gusto mo magkuwento na lang kaya’t hintayin na lang natin ang iba na matapos, puede naman na walang drawing.” Habang siya ay naghihintay, ito lang ang kanyang naiguhit (see drawing 1).

drawing 1 - guhit ni Rona, 11 years old

Sa pagkuwento ni Rona ng kanyang karanasan, mas dama ko ang kanyang kalungkutan sa paghihintay sa kung ano na ang nangyari sa kanyang 8 buwang buntis na nanay. Higit sa pagkuwento, luha ang namagitan sa oras na siya na ang aming pinapakinggan. Kaya’t hinayaan lang namin siyang umiyak ng umiyak. Hindi ako muna nagsalita. Ang aking ginawa ay akbayan siya at haplusin ang kanyang balikat para maparamdam sa kanya na nandito lang kami na nakikinig at nararamdaman ang kanyang sinapit. Sa kabila ng lahat ng kanyang pag-iyak tinapos niya ang kanyang kuwento sa isang bilin, “Sabi ni tatay, wag mawalan ng pag-asa”. Kaya’t hanggang ngayon umaasa pa rin si Rose na buhay ang kanyang ina at magiging kapatid.
Si Nilo naman ay nagkwento kung paano naanod ang mga bahay, ang mga puno, ang mga tao sa lakas ng ulan (see drawing 2). Nasira ang kanilang bahay dahil nahulugan ng kahoy pero ang kanyang tatay at nanay ay kasama niyang umakyat ng puno kaya’t sila ay ligtas. Pero ang kalungkutan na bakas sa kanyang mga mata ay ang pagkawala ng kanyang apat na gagaw (pinsan). Ang nasabi ko lang ay “mahirap at malungkot nga ang mawalan ng apat na pinsan. Ligtas nga si tatay at nanay nawalan ka naman ng mga kalaro.”

drawing 2 - guhit ni Nilo, 11 years old

Nagdra-drawing pa lang si Aman tanong na siya ng tanong kung pwedeng one-on-one ang pag-uusap. Kaya’t ng siya ay matapos na sa kanyang drawing, lumapit siya kaagad sa akin at nagsimulang magkuwento habang ang lahat ng mga bata ay nagdra-drawing pa. Isinalaysay niya kung gaano kalakas ang ulan (see drawing 3)at kung paano niya nakitang naanod ang lahat ng mga bagay pati ang kanyang pamilya. Pero siya ay nakasampa sa puno ng saging na kasama ang kanyang amigo at may mga kasama pa silang mga ahas. Dalawang araw silang walang kain at patuloy lang nakasampa sa puno. Sa Iligan sila na rescue ng magkaibigan. Habang nagkukuwento siya, siya ay aking napangiti ng sinabi ko “Aba, Aman ang lakas mo pala biro mo dalawang araw kang hindi kumakain at may kasama pang mga ahas sa paligid pero nakayanan mo ang lahat. Ang lakas mo ah!” Ang napakagandang ngiting iyon ang baon ko hanggang ngayon.

drawing 1 - guhit ni Aman, 11 years old

Samu’t samo’t na kuwento. Sa iba’t ibang mga bata. Karamihan ay nawalan ng tirahan. Ang isa ay nagsasabing, “makakabalik pa kami sa aming bahay pagwala ng lapok (putik), yan ang sabi ni Nanay.” Ang iba naman ay naghihintay sa balita kung nailigtas na ba o di kaya’y nahanap na si Tatay. Lahat nakaranas ng trauma, kalungkutan, takot, kaba at walang hanggang paghihintay kung ano ang mangyayari bukas.

Sabik sa attention at makapagkuwento ng kanilang sinapit. One-on-one ang gusto nilang paraan ng pagkuwento. Kahit nasa grupo na ilalapit pa rin nila ang kanilang silya sa harap namin. At ang tindi ng eye contact ng mga bata. (Hindi ko alam kung ang kanilang pagtitig sa amin ay dahil rin uhaw silang malaman kung ano na ang nangyari sa mga mahal nila sa buhay kaya kung makatingin sila ay para bang nagtatanong, “ano ba may balita na ba kay Nanay o Tatay?” Para bang naghahanap sila ng kasagutan. O kaya ang tindi ng eye contact nila ay sanhi ng kanilang nasasaloob na gusto nilang mapakinggan naman sila.)

Sa umpisa, sabi ng Sagip Kapamilya nahihiya silang mag-tagalog, napansin ko ang mga salita nila sa CDO ay hango sa mga Spanish words. Pero ng nabigyan sila ng pagkakataong magsalita at ibahagi ang kanilang karanasan, tuloy-tuloy naman silang magkuwento. Sa tingin ko, nadama rin nila kung paano namin sila gustong mapakinggan.

Nakakapagod. Nakakapanghina. Nakakapanlanta. Pero kapag naalala ko ang kakaibang ngiti ni Aman at ang pag-asa na bilin ng tatay ni Rona, napapawi lahat ng pagod, at sa huli alam kong sa darating pang dapithapon gusto ko pa rin balikan sila para kamustahin. At may bata pa sana kaming mapangiti kahit panandalian lamang.

Mabuti ay may schedule na kami kasama ng buong team ng MLAC Institute for Children and Families.*

Naitanong ko kanina kung bakit kakaiba ang damdamin ko sa CDO… ngayon masasagot ko na. Pasko kasi at madaming namatay kaya’t ang puso ko ay mas naantig sa mga bata ng Hilagang Mindanao. Iba talaga ang mga bata, iba silang magturo sa atin, sila ang nagbibigay sa atin ng lakas at inspirasyon. At uulit-ulitin kong pumunta sa Mindanao kapag may pagkakataon dahil sila ang dahilan kung bakit ako naging psychologist. Kung minsan nga ang tanong ko tuloy sa sarili ko sino ba ang nahilom ako o sila?

*Note:  Naka-schedule bumalik ang buong team ng MLAC Institute for Children and Families sa January para magsagawa ng intensive trauma counseling at follow-up sa mga bata na nangangailangan. Pagkatapos magbibigay sila ng training on trauma counseling at paano mag cope sa vicarious traumatization para maalagaan ang mga caregivers ng DSWD at iba pang community leaders.

Si Marisa at Aileen kasama ng mga bata at ng mga artista

Advertisements
  1. No comments yet.
  1. No trackbacks yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: